Palasyo nilinaw na walang military takeover sa BOC

0
42

Walang military take over sa Bureau of Customs (BOC).

Nilinaw ito ng Malakanyang dahil magsisilbi lamang guwardya at panakot ang mga sundalo sa mga tiwaling tauhan ng BOC.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi naman itatalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo bilang regular employees dahil ang mga kawani pa rin ng customs ang mag aasikaso sa mga trabaho lalo na sa paperworks o bayarin sa usapin ng buwis.

Sinabi ni Panelo na iba ang dating kung may presensya ng mga sundalo sa mga kawani ng BOC na gumagawa ng iligal na aktibidad.

Nanindigan pa si Panelo na walang nilalabag na anumang batas ang pangulo dahil may lawlessness sa BOC kaya’t may presensya ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa ngayon aniya hintayin na lamang ng mga kawani ng BOC ang ipapalabas na memorandum order ni incoming Commissioner Rey Leonardo Guerrero para sa kanilang estado sa trabaho.