Malamig ang Malakanyang sa pagdedeklara ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) ng tigil putukan para sa pagdiriwang ng pasko at bagong taon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ay tutol sa pagdedeklara ng gobyerno ng ceasefire sa mga komunista ngayong kapaskuhan.
Iginiit ni Panelo, ginagamit lamang ng CPP-NPA ang tigil putukan bilang pagkakataon na makapag-recruit ng karagdagang pwersa.
Hindi na aniya hahayaan ng pamahalaan na maulit pa ang ginagawa ng CPP-NPA lalut marami nang nasawing katutubo partikular na ang mga lumad dahil sa wala aniyang saysay na ipinaglalaban ng mga komunista.
Dagdag ni Panelo, sa ngayon ay wala pa aniyang ibinibigay na komento si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pagdedeklara ng holiday ceasefire ng CPP.
DND tinabla ang pagdedeklara ng ceasefire ngayong pasko at bagong taon
Tinabla ng Department of National Defense (DND) ang pagdedeklara ng tigil putukan ng CPP-NPA-NDF ngayong darating na pasko at bagong taon.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, naniniwala siyang gagamitin ng komunistang grupo ang ceasefire para sa kanilang pagdiriwang ng ika-limampung anibersaryo sa Disyembre 26.
Sinabi pa ni Lorenzana na malaki rin ang posibilidad na isa lamang itong patibong para umatake sa mga army detachment bilang katangian na aniya ng mga komunista.
Magugunitang nagdeklara ng unilateral ceasefire ang CPP para sa pagdiriwanng ng pasko at bagong taon.