Pagrekomenda ng martial law extension ikinukunsidera ng AFP

0
60

Ikinukunsidera ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pagpapalawig sa ipinatutupad na martial law sa Mindanao, sa ikatlong pagkakataon.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Carlito Galvez, mayorya ng mga taga-Mindanao ang positibo ang pananaw sa umiiral na martial law at nais itong palawigin pa.

Gayunman, sinabi ni Galvez na kanila pang hinihintay ang kabuuang report hinggil sa pagpapatupad ng martial law sa Mindanao bago nila gawin ang rekomendasyon.

Hihintayin din anila ang magiging rekomendasyon ng regional peace and order councils hinggil sa martial law extension.

Dagdag ni Galvez, nagsasagawa rin sila ng mga serye ng command conference para matukoy ang mga nagawa at epekto ng martial law sa mga nasasakupang lugar nito.

Magugunitang noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng regional peace and order council sa Zamboanga Peninsula sa pamumuno ni Zamboang City Mayor Maria Isabel Climaco Salazar ang rekomendasyon para sa martial law extension.

—-