Pagpasok ng mga turista sa Boracay hihigpitan sa reopening nito; dry run kasado na bukas

0
52

Hihigpitan ng DENR o Department of Environment and Natural Resources ang pagpasok ng mga dayuhan maging ng mga lokal na turista sa isla ng Boracay simula bukas, Oktubre 15.

Ito ang inihayag sa DWIZ ni DENR Spokesperson Usec. Jonas Leones kasunod ng isasagawang dry run o partial re-opening ng naturang isla matapos itong isailim sa anim na buwang rehabilitasyon.

Ayon kay Leones, layon ng naturang dry run na makita o mapag-aralan kung naging epektibo ang mga ginawa nilang hakbang para malinis ng tuluyan ang tubig sa isla bago ito tuluyang buksan sa Oktubre 26.

So, uunti-untiin natin. Hindi natin bibiglain na October 26.. starting Oct. 15, magpapasok na tayo ng mga turista para matingnan natin kung ‘yung mga ginawa nating sewer line ay nagiging epektibo para ma-address ‘yung water pollution issues diyan sa Boracay island.

Una nang sinabi ni Leones na aabot sa 152 ang pinayagang muling mag-operate sa muling pagbubukas ng isla matapos makasunod sa kanilang itinakdang regulasyon.

Sinabi pa nito na plano rin nilang mamahagi ng tap cards o ID sa mga lokal na residente at mga turista upang maging kontrolado aniya ang pagpasok dito.

Magugunitang tinawag noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na cesspool ang isla ng Boracay dahil sa over populated o sobrang dami ng mga taong nagtutungo rito kaya’t pansamantala itong isinara sa publiko.