Pagpapasara ng NTC sa ABS-CBN kinondena ng CHR

0
24

Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpapasara ng National Telecommunications Commission (NTC) sa media company na ABS-CBN.

Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline De Guia, ang pagpapasara sa ABS-CBN ay malinaw na pagtanggal sa karapatan ng publiko na maka-access sa mga balita at impormasyon, lalo na’t nasa gitna ng krisis ang bansa.

Dagdag pa ni De Guia, napakalaking problema rin ang idudulot nito lalo na’t libu-libong manggagawa ang mawawalan ng trabaho sa panahon kung saan kinakailangan ng lahat ang pagkukunan ng pera at pagkakakitaan dahil sa umiiral na lockdown.

Magugunitang nagpalabas ang NTC ng cease and desist order laban sa ABS-CBN dahil sa pagkapaso ng congressional franchise nito gayong patuloy namang nakabinbin sa kongreso ang franchise renewal bills ng nasabing network.