Welcome sa ilang mga senador ang paglagda ni Pang. Rodrigo Duterte sa Bayanihan 2 o Bayanihan To Recover As One Act.
Ayon kay Senator Sonny Angara, napakahalaga kasi ng Bayanihan 2 upang matugunan ang pangangailangan ng bansa sa harap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis na kinahaharap ng Pilipinas.
Aniya, pakikinabangan ito ng health sector at ng marami pang sektor ng pamahalaan na lubhang apektado ng pandemya.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay matutulungan din ang mga msmes o micro, small and medium enterprises.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na mabibigyan na ng tatlumpung araw na palugit sa pagbabayad ng kanilang utility bills ang publiko.
Sa ilalim kasi ng naturang batas, mayroong 30-day grace period ang publiko sa pagbabayad ng mga utility bills para sa mga lugar na isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Angara na mahigpit na babantayan ng kongreso ang implementasyon ng Bayanihan 2.