Pagkakaroon ng makataong kondisyon sa mga manggagawa pinatitiyak ni Duterte kasabay ng Labor Day

0
22

Pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sektor ng pagnenegosyo ang pagkakaroon ng makataong kondisyon para sa mga manggagawa.

Bahagi ito ng mensahe ni Pangulong Duterte para sa pagdiriwang ng Labor Day o Araw ng Paggawa ngayong araw.

Ayon sa pangulo, nagsisilbi bilang pundasyon sa pag-unlad at paglago ng bansa ang hindi mapapantayang kasipagan at pagiging propesyunal ng mga manggagawang Pilipino na kinikilala rin sa buong mundo.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Pangulong Duterte ang mga employers sa kanilang pananagutan sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga manggagawa hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad kundi maging sa pagtiyak sa maayos na lugar ng kanilang pinagtatrabahuan.

Tiniya din ng pangulo ang patuloy na pagkilos ng pamahalaan para matupad ang pangakong mapanatili ang dignidad ng mga manggagawa at pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa.

Hiling naman ng pangulo na nawa’y mapakinabangan ng bawat Pilipino ang resulta ng kanilang pagtatrabaho na magbibigay ng marangal na pamumuhay.