Pagkakapuslit ng mahigit 7-B shabu shipment sa bansa iimbestigahan ng PACC

0
55

Iimbestigahan na ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC ang umano’y naging sabwatan ng mga opisyal ng Bureau of Customs at mga notorious smugglers kaya’t nakalusot papasok sa Pilipinas ang P4.3 billion at P3.4 billion na halaga ng iligal na droga.

Ginawa ni PACC Commissioner Atty. Manuelito Luna ang pahayag ilang araw matapos madiskubre ang halos pitong bilyong pisong halaga ng shabu na ibinebenta na ngayon sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Labis aniyang nakaka-alrama ang nasabing ulat at hindi umano ito dapat na ipagsawalang-bahala.

Matatandaang kamakailan lamang, sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite na nagresulta sa pagkakadiskubre ng apat na empty magnetic lifters na pinaniniwalaang pinagsidlan ng toneladang iligal na droga.

Dagdag ni Luna, ilang personalidad ang ipatatawag ng PACC na maaring magbigay-linaw kung sino ang may mga pananagutan sa pagkakapuslit ng halos pitong bilyong pisong halaga ng shabu.


Lapeña, umamin na nalusutan sila ng malaking drug shipment

Aminado si Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña na nagkaroon ng kakulangan sa komunikasyon sa pagitan ng kanyang tanggapan at ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency.

Kaugnay ito nang nakalusot na halos pitong milyong pisong shabu shipment sa bansa.

Ayon kay Lapeña  naharang sana ang mga magnetic filters kung saan pininiwalaang inilagay ang kilo-kilong shabu na nagmula sa Malaysia kung naabisuhan lamang agad ang kanilang tanggapan kaugnay sa pagdating nito.

Sa kabila ng nasabing pangyayari, tiniyak ni Lapeña na maayos pa rin ang relasyon ng BOC sa mga opisyal at tauhan ng PDEA na minsan rin niyang pinamunuan na ahensya.

(Arianne Palma)