Paghahain ng reklamo sa umano’y crimes against humanity ng China suportado ng ilang senador

0
59

Sinuportahan ng tatlong senador ang paghahain ng reklamo sa ICC o International Criminal Court laban sa di umano’y crimes against humanity ng China sa South China Sea.

Ayon kay Senador Leila De Lima, mapangahas subalit kahanga hanga ang ginawa nina dating foreign affairs secretary Albert Del Rosario at dating ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Sa ipinadala nilang komunikasyon sa ICC, inakusahan nina Del Rosario at Carpio-Morales si Chinese President Xi Jinping at iba pang opisyal ng China ng crimes against humanity dahil sa mga aktibidad nilang naglalayong makontrol ang kabuuan ng South China Sea.

Sa panig ni Senador Ralph Recto, binigyang diin nito na dapat suportahan ng bawat Pilipino ang anumang inisyatibo na ang layunin ay protektahan ang kalayaan at kayamanan ng bansa.

Sinabi naman ni Senador Francis Pangilinan na inako nina Del Rosario at Carpio-Morales ang pagkalinga sa mga naaping mga Pilipino na dapat ay matagal nang ginawa ng administrasyon.