Pinag aaralan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekumendasyong isailalim ang Jolo, Sulu sa martial law kasunod ng pagsabog noong Lunes na ikinasawi ng 15 katao.
Ito ay kaugnay ng rekumenasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) na ilagay muna sa ilalim ng batas militar ang buong Sulu upang mapigilan ang posible pang pagsabog sa lalawigan.
Sinabi ni Presidential spokesman Atty. Harry Roque, ikinukunsidera naman ng pangulo ang naturang rekumendasyon ngunit kailangan muna aniyang abisuhan ang kongreso sa pagpapatupad ng batas militar.
Aniya, dapat na makitaan ng sapat at legal na factual basis ng Kongreso na dapat magdeklara ng martial law sa Sulu.
Gayunman, hindi naman tinukoy ni Roque kung nais ng pangulo na isailalim sa martial law ang Sulu ngunit tiniyak nito na pinakikinggan ng pangulo ang mga rekumendasyon ng PNP at AFP.
Sa ngayon, sinabi ni Roque na hinihintay pa ng pangulo ang opisyal na rekumendasyon ng PNP at AFP pati na ang final investigation report ng mga ito hinggil sa naganap na pagsabog.