P5-K multa, pagkakakulong sa mga walang suot na face masks sa Mandaluyong ipinasa na

0
25

Ipinasa na ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City ang ordinansa kaugnay sa pagsusuot ng face masks tuwing lalabas ng kani-kanilang mga tahanan at anti-discrimination sa mga frontliners ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dahil dito maaari nang makulong nang isang linggo o pagmultahin ng P5,000 ang sinumang mahuhuling walang face masks sa labas ng kanilang mga bahay.

Payo ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong, kung walang face masks ay papayagan naman ang paggamit ng bandana, panyo, ear loop mask, do-it-yourself (DIY) mask, o improvised masks basta’t siguruhin na matatakpan ang ilong at bibig.

Samantala, alinsunod naman sa Ordinance No. 766, maaari na ring mabilanggo ng hindi lalagpas ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ng P3,000 hanggang P5,000 ang sinumang mapapatunayang mangdi-diskrimina, mangha-harass sa mga pasyente ng COVID-19, maging sa mga health workers o frontliners sa lungsod.