Negosyante Arestado Sa Pag-Iingat Ng Illegal Na Druga At Armas

    0
    88

    Iriga City —Arestado ang isang negosyante sa Baao, Camarines Sur matapos itong makuhanan ng ilegal na droga at hindi lisensyadong baril sa isinagawang operasyon ng mga otoridad alas-10:30 ng umaga kahapon May 7.

    Kinilala ang naaresto na si Richard Boringot Bañaria alias “Ambem”, 45 taong gulang, may asawa, nakatira sa Zone 2, Brgy. Sta. Teresita, Baao, Camarines Sur.

    Naaresto ang suspek sa ikinasang operasyon laban sa illegal na droga at baril ng pinag-isang pwersa ng Baao Municipal Police Station at CamSur 2nd PPMFC sa bisa ng dalawang search warrant sa paglabag sa Republic Act RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na ipinalabas ng korte.

    Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga sumusunod: dalawang (2) pirasong nakalukot na aluminum foil; isang (1) plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu; isang (1) itim sling bag na may tatak na Agva; isang (1) kalibre 45 baril na may nakasuksok na magazine na may anim na bala; isang (1) itim na Samsung A50 cellphone; at isang “double blade” na panaksak na may lalagyanan.

    Sa kasalukuyan, si Bañaria ay nasa pangangalaga ng Pulisya ng Baao habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento sa pagsasampa ng mga kaso laban dito. (Melvin F. Barayoga, RPN DZKI Iriga OIC)

    (Source: PNP Baao, Camarines Sur)

    Leave a Reply