Nakatakdang pagsasapubliko ng ‘narco list’ hindi na mapipigilan ayon sa Palasyo

0
54

Kung ang Palasyo ang tatanungin, hindi na mapipigilan pa ang inaasahang paglalantad sa mga pangalang kabilang sa narco-list ngayong linggong ito.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, wala silang nakikitang dahilan para maudlot pa ang nakatakdang pagbubunyag sa publiko ng mga pulitikong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.

May instruction na aniya tungkol dito si Pangulong Rodrigo Duterte at na kay DILG Secretary Eduardo Año na ang bola para isapubliko ang mga sangkot sa illegal drug trade na kinabibilangan ng mga tumatakbo ngayong midterm election.

Una nang sinabi ng Palasyo na may karapatan ang mga botante na malaman ang background ng mga kandidato at hindi dapat ipagkait sa mga ito ang katotohanan kontra sa isang tumatakbo.

Hindi aniya kailanman dapat mangibabaw ang individual right sa usaping may kinalaman sa pambansang seguridad at interes kaya wala nang makapagpapabago pa sa pasya ng pamahalaan upang ilantad sa taong bayan ang ‘narco list’ ngayong linggong ito.