Mga terminal at sementeryo sa Metro Manila sinimulan nang inspeksyunin ng NCRPO

0
48

Nag-ikot si NCRPO o National Capital egion Police Office Chief P./Dir. Guillermo Eleazar sa ilang istratehikong lugar sa metro manila kasabay sa paggunita ng undas.

Unang inikot ni Eleazar ang Araneta Center Terminal sa Cubao, Quezon City sunod ang Manila North Cemetery at mga himpilan ng pulisya.

Ayon kay Eleazar, tututukan nila ang mga bus terminal na nasa 82, 59 na mga train stations, apat na paliparan at limang pantalan sa Metro Manila.

Bukod pa iyan sa mismong undas kung saan aabot sa 78 sementeryo at 38 mga kolumbaryo ang kanilang babantayan.

Sinabi pa ng NCRPO chief na inatasan na niya ang lahat ng mga chiefs of police at station commanders sa may 16 na lungsod at isang bayan sa Metro Manila na gawin ang dapat para sa naturang okasyon.

Sa kasalukuyan, aabot sa 3,600 mga pulis ang ipakakalat ng NCRPO na sasama sa humigit kumulang siyam na libong force multipliers mula sa AFP, Coast Guard, barangay tanod, security guard at ibang volunteer organizations.

Samantala, sinabi ni Eleazar na wala naman silang namamataang banta sa seguridad sabay apela sa publiko na aalis sa kanilang mga tahanan na ugaliing i-lock ang kanilang mga pintuan.