Mga sangkot sa pagkakapuslit ng iligal na droga sa 4 magnetic lifters nakatakdang ipatawag sa susunod na pagdinig

0
63

Nakatakdang ipatawag sa susunod na pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs ang iba pang mga personalidad na sangkot sa pagkakapuslit ng mahigit anim na bilyong pisong halaga ng iligal na droga na itinago sa apat na magnetic lifter noong Hulyo.

Sinabi ni Committee Chairman at Surigao Del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na kanilang ipasu-subpoena sina dating PDEA deputy chief of administration Ismael Fajardo, sinibak na Senior Supt. Eduardo Acierto at Customs Intelligence Officer Jimmy Guban.

Naniniwala si Barbers na si Guban ang susi para mahubaran ang mga personalidad na tunay na nasa likod ng pagpapalusot sa mga kontrabando partikular na ang sindikatong nagtatago dito.

Bagama’t nakukulangan si Barbers sa naging testimoniya ni Guban sa nakalipas na pagdinig, hinimok niya ito na magsalita na at ilahad ang lahat nitong nalalaman para papanagutin ang mga may sala.