Mga Pinoy seamen na apektado ng COVID-19 tutulungan ng POEA

0
18

Tiniyak ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga Filipino seaman na na-stranded dahil sa COVID-19 pandemic.

Batay sa ipinalabas na resolution number 13, series of 2020 ng POEA governing board, sasagutin ng principal o employer ang gastos sa accommodation at pagkain ng mga seaman na nakapirma na ng kontrata pero hindi makaalis dahil sa pandemiya.

Magpapatuloy ang naturang ayuda hangga’t hindi pa natutuloy ang deployment, nakababalik ng kanyang tahanan, o hindi pa nakakansela ang employment contract ng seafarer.

Gayundin, makatatanggap naman ang seaman ng basic pay, libreng accommodation at pagkain, medical benefits mula sa kanyang employer kung nakaalis na ito ng bansa pero na-stranded sa kalagitnaan ng biyahe.

Inaatasan din ng POEA ang mga employers na magbigay ng kaparehong tulong at benepisyo sa mga seaman na nakapirma na ng employment contract at naipadala na sa kanyang deployment pero hindi nakasakay ng barko at iyong mga hindi pa ma-repatriate dahil sa pandemic.

Sasagutin din ng mga employer ang accommodation at pagkain ng mga seaman na kinakailangang sumailalim sa quarantine, maliban na lamang kung ipagkakaloob ito ng pamahalaan.