Mga Pinoy sa Thailand nananawagan ng tulong

0
20

Nananawagan ng tulong sa pamahalaan ang mga Filipino sa Thailand na apektado ng ipinatutupad na lockdown sa nabanggit na bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa dating pinuno ng Association of Filipinos in Thailand, marami sa mga Pilipino doon ang wala nang makain matapos mawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Marami rin anitong mga Pilipino sa Thailand ang hindi na nabayaran ng kumpleto nang biglang tapusin na ang kanilang mga kontrata.

Mangilan-ngilan lamang din ang nakatatanggap ng relief goods mula sa pamahalaan ng Thailand.

Kaugnay nito, nangako na si Labor Secretary Silvestre Bello III na tutulungan ang mga apektadong Pinoy sa Thailand, bagama’t aminado ito mahihirapan sila dahil walang opisina ang DOLE sa nabanggit na bansa.

Gayunman sinabi ni Bello, inatasan na niya si POEA Administrator Hans Cacdac na ayusin ang pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga Pilipino sa Thailand.