Nangangamba ang daan-daang Overseas Filipino Workers o OFW na mawalan ng trabaho matapos ma-delay ang kanilang flights dahil sa pansamantalang pagsasara main runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Aminado ang ilang OFW na hindi pa nila matiyak kung makababalik pa sila sa trabaho sa ibayong dagat lalo’t dapat ay noong Biyernes pa sila nakaalis ng bansa.
May ilan ding nanganganib makulong sakaling hindi makabalik sa Saudi Arabia dahil kailangan nilang maka-alis bago mag-expire ang exit visa, ngayong araw.
Mahirap anilang mag-renew ng visa sa saudi ngayong linggo lalo’t holiday dahil sa taunang Hajj pilgrimage na matatapat pa ng Eid’ al-Adha o feast of sacrifice.
Samantala, may ilan namang senior citizen sa terminal 1 ang nahilo at humiling na ng wheelchair dahil sa pagod dulot ng matagal na paghihintay ng kanilang flight.
—-