Baguio City – Muling pinaalalahanan ang lahat ng mga drug stores o mga botika sa lungsod ng Baguio na ipatupad ang probisyon ng Republic Act 9994 o ang tinatawag na Expanded Senior Citizens Act of 2010 kaugnay sa pagbibigay ng senior citizens’ discount.
Ayon sa Resolution No. 430, series of 2023, sinabi ng mga mambabatas na kung ipinakita sa mga drug stores or botika ang mga papeles o dokumento na nagpapatunay na sila ay senior citizens na bumibili ng gamot o produkto sa mga naturang bahay kalakal ay dapat lamang kilalanin at bigyan ng diskwento at ng iba pang benepisyo na para lamang sa mga senior citizens.
Binigyang diin ng konseho ng lungsod ng Baguio sa mga namamahala ng lahat ng drug stores o botika sa lungsod na magsagawa sila ng pagtuturo sa kanilang empleyado upang mabigyang solusyon ang problema kaugnay sa pagbigay ng kinakailangang diskuwento para sa mga senior citizens.
Kung inyong matatandaan na maraming senior citizens sa Baguio ang nagreklamo sa diumanong hindi pagpapatupad ng ilang bahay kalakal na kinabibilangang ng mga drug stores o ng mga botika sa pagbibigay ng nasabing diskuwento. (Joel Cervantes, photo courtesy of PIO Baguio)
