Isinailalim na sa heightened alert status ang buong Metro Manila kasunod ng pagsabog na naganap sa Lamitan, Basilan noong Martes na ikinasawi ng 10 katao.
Pagtitiyak ni National Capital Region Police Office o NCRPO Director Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar, handa ang buong puwersa ng Kapulisan sa Metro Manila upang siguruhing hindi magkakaroon ng spill over sa NCR ang nangyaring pag-atake sa Basilan.
Hinikayat din ni Eleazar ang publiko na maging mapagmatyag at agad isumbong sa mga awtoridad ang mga makikitang kahina-hinalang kilos o bagay.
Kinalma naman ni Eleazar ang publiko at sinabing sa ngayon ay wala silang namomonitor na anumang banta ng terorismo sa Metro Manila.
Kasabay nito, pinaigting na rin ang mga isinasagawang checkpoints sa Kamaynilaan.—AR
—-