Isang menor de edad ang nahulihan ng dalawang sachet ng marijuana sa Manila North Cemetery ngayong araw.
Ayon kay National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Guillermo Eleazar, tinangka umanong ipuslit ng 16-anyos na lalake ang iligal na droga sa loob ng sementeryo ngunit naharang ito ng mga awtoridad.
Hawak na ngayon ng Manila Police District ang menor de edad na lalaki at nakatakda itong i-turnover sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Around 4:30 in the morning, merong isang bata 16-years old, lalaki na papasok sa Manila North Cemetery, nung chineck natin ay nahulog ‘yung sachet ng marijuana na nakaipit sa tagiliran niya, sa may alak-alakan niya, at may nakita pang isang sachet na nakaipit sa pantalon niya, so it’s a clear violation of our law, poseesion of illegal drugs.” Ani Eleazar
Matatandaang kahapon, isang 19-anyos na estudyante naman ang nahulihan ng 19 na sachet ng marijuana sa Manila South Cemetery.
Kinilala ang estudyante na si Neil Aldabe, residente ng La Paz Makati City.
Sinabi ni Eleazar, iniipit ng suspek sa payong ang isang plastic na naglalaman ng mga sachet ng marijuana na plano sana nitong ibenta ng isandaang piso (P100) kada pakete.
“Inamin niya na hindi raw siya gumagamit ng marijuana pero nagbebenta siya, dapat tandaan natin na itong mga iligal na kontrabandong ito dito sa mga sementeryo ay mahigpit talaga ang ating pagbabantay, ako’y nagtataka kung bakit ang lalakas ng loob nitong mga batang ito, nakita na nila na maraming pulis ang nagbabantay.” Dagdag ni Eleazar
Muli namang pinaalalahanan ni Eleazar ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak upang hindi maligaw ng landas ang mga kabataan at maiwasan ang ganitong mga insidente.
“Ito ‘yung sinasabi natin na dapat binabantayan at ginigiyahan ng ating mga magulang itong mga kabataan, isipin mo na lang na how much more ang puwede pa nilang gawing krimen as they go along sa buhay nila.” Pahayag ni Eleazar
—-