Saturday, May 4, 2024

Lucas Bersamin bagong SC Chief Justice

- Advertisement -

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong Chief Justice ng Korte Suprema si Associate Justice Lucas Bersamin.

Papalitan ng 69-anyos na si Bersamin si Retired Chief Justice Teresita Leonardo De Castro.

Manunungkulan si Bersamin bilang Punong Mahistrado kulang kulang isang taon o hanggang sa umabot ito sa kanyang retirement age na pitumpu (70) sa Oktubre 18 ng susunod na taon.

Matatandaang sinabi kahapon ng Pangulo na seniority ang pangunahing pinagbatayan niya sa pagpili ng bagong Chief Justice gaya ng naging pagpili niya noon kay dating CJ De Castro.

Si Bersamin ang ikatlong pinaka-senior na mahistrado ng Korte Suprema ngunit pinakamatanda pagdating sa taon ng pagseserbisyo sa korte.

Nagtapos ng abogasya si Bersamin sa University of the East noong 1973 at pumang-siyam ito sa bar examinations ng naturang taon.

Si Bersamin ay appointee ni dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Matatandaang bumoto ito pabor sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani at petisyon para mapatalsik si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil sa kabiguan nitong mag-file ng SAL-N.

Maliban dito, si Bersamin din ang sumulat ng desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang sala sa plunder case ni dating Pangulong Arroyo at pumayag na makapagpiyansa si dating Senate President Juan Ponce Enrile na may kasong kinakaharap na plunder kaugnay ng pork barrel scam.

(Ulat ni Bert Mozo)

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

Related Articles

- Advertisement -
- Advertisement -spot_img

Latest Articles

- Advertisement -spot_img