Localized peace talks sa komunistang grupo prayoridad ngayon ng OPAPP

0
43

Mas pagtutuunan na lamang ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang pagsusulong ng mga localized peace talks sa mga rebelde.

Ito ay makaraang opisyal nang ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamalaan at Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF).

Ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Carlito Galvez, Nobyembre pa ng 2017, idineklara ng Pangulo ang pagpapatigil ng usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng paglalabas ng Executive Order Number 360.

Sa kabila nito, ilang back channel talks pa rin ang isinasagawa ng ngayo’y binuwag nang government peace panel sa NDF sa pag-asang magpapatuloy pa rin ang usapang pangkapayapaan.

Sinabi ni Galvez, tuluyan nang itinigil ni Pangulong Duterte ang mga back channel talks dahil bukod sa hindi na ito umuusad ay hindi rin nailalantad sa publiko ang mga napag-uusapan ng magkabilang panig.

Binigyang diin naman ni Galvez na makabubuti pa rin ang localized peace talks kung saan maaaring konsultahin ang lahat ng stakeholders tulad ng mga local government entities.

“Nakita ko po na ito po ang magiging solusyon natin, ‘yung tinatawag nating social issues will be addressed locally kasi may peculiarities ang issues sa CPP-NPA at merong tinatawag na mga fragmentation din po sila, meron din pong factions na hindi gaanong sumusunod kay Joma Sison.” Pahayag ni Galvez

 (Ratsada Balita Interview)