Lea Salonga pasok bilang story reader sa online series ng Disney

0
26

Patuloy pa rin ang pamamayagpag ni Lea Salonga bilang “Disney Legend.”

Ito’y matapos kunin ng Disney Animation Studios ang kanyang serbisyo para sa “Storytime” na isang online series ng kompanya kung saan tinatampok dito ang mga children’s books at binabasa ng mga sikat na personalidad mula sa kani-kanilang tahanan.

Si Salonga ang napiling magkuwento ng “5 Minute Princess Stories” tungkol kay Princess Jasmine kung saan inawit ng Pinay singer bilang pambungad ang ilang linya ng “A Whole New World.”

Matatandaang itinanghal noon si Salonga bilang “Disney Legend” matapos gamitin ang kanyang tinig sa mga animated films na “Aladdin” at “Mulan.”

Samantala, pasok din bilang story readers sa “Storytime” ng Disney ang iba pang voice talents na sina Paige O’Hara, Auli’i Cravalho, at Jodi Benson, gayundin ang Hollywood actors na sina John Stamos, Jeff Goldlbum, Ginnifer Goodwin, at Colin O’Donoghue.