Larawan ni Calauan Councilor Amty Sanchez kasama ang isang kahawig ni ex-Calauan mayor Sanchez kumalat sa social media

0
53

Kumalat ngayon sa social media ang larawan ni Calauan Councilor Amty Sanchez na may kasamang kahawig ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez subalit nakasuot ng face mask.

Ang larawan ay ini-upload ng konsehal sa kanyang Facebook page noong May 10, 2019.

Itinabi ang larawang ito sa larawang kuha naman sa video na nagpapakita kay Sanchez na nasa loob pa ng New Bilibid Prison kahapon, August 22.

Sa kuha ni Sanchez sa New Bilibid Prison, kapansin-pansin na kakaiba ang suot na uniform ni Sanchez kumpara sa ibang preso.

Ang kay Sanchez ay mayroong collar at nakasuot pa ng makintab na balat na sapatos at nakarelo.

Pinansin rin ng netizens ang pagkakahawig ng relo na suot ng kasama ni konsehal Amty sa larawan noong May 10 at ang suot na relo ni Sanchez sa New Bilibid Prison, kahapon.

Una rito, kumalat naman ang isang post mula sa isang mamamayan ng Calauan na nagsasabing matagal na nilang nakikita sa kanilang bahay si Sanchez.

Si Sanchez ay nahatulan ng pitong habangbuhay na pagkabilanggo dahil sa panggagahasa at pagpapapatay kay Eileen Sarmenta at kaibigan nitong si Allan Gomez na parehong estudyante ng UP Los Baños noong 1993.