Kumpiyansa si Senator Panfilo Lacson na mahaharap sa maraming kaso sina PhilHealth President and CEO Ricardo Morales, philhealth Senior Vice President For Fund Management Sector Renato Limsiaco Jr. at iba pang official ng ahensya.
Ayon kay Lacson, ito ay kapag isinumite na nila ni Senate President Vicente Sotto III sa Department of Justice (DOJ) ang mga nakalap nilang mga dokumento at impormasyon ukol sa mga katiwalian sa PhilHealth.
Giit ni Lacson dahil sa misappropriation ng PhilHealth funds ay posibleng makasuhan ang mga ito ng malversation of public funds.
Mahaharap din aniya ang mga ito sa paglabag sa national internal revenue code at anti-graft and corrupt practices act dahil sa naging testimonya ni Limsiaco na hindi nila alam na kailangang kaltasan ng withholding tax ang IRM funds o cash advances na ipinamahagi nila sa mga health care institution.
Nakuha rin aniya ng senador ang memorandum nina Morales at Limsiaco na may petsang August 7, 2020Â na magpapatunay na alam nilang dapat magkaltas dito ng buwis.
Sa memorandum, sinasabing nag-remit ang PhilHealth sa BIR ng 2% ng expanded withholding tax para sa IRM na P156 million o bago sila humarap sa senate hearing nung nakaraang linggo.
Mayroon pa aniya ditong malversation dahil ang ipinambayad ng PhilHealth sa BIR ay kinuha sa corporate operational budget na labag sa patakaran.
Bukod dito, pinag-isyu rin aniya nina Morales at Limsiaco ang mga Regional Vice President ng BIR form 2307 na magiging katibayan na nagbayad na ng withholding tax ang mga ospital na nakatanggap ng IRM funds kahit wala naman. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)