Kaso laban kay Nicanor Faeldon Jr ibinasura

0
52

Kinumpirma ng Police Regional Office 5 o Bicol PNP na nakalaya na ang anak ni BuCor o Bureau of Corrections Commissioner Nicanor Faeldon.

Ayon kay Bicol Regional PNP Director C/Supt. Arnel Escobal, noon pang Biyernes pinalaya si Nicanor Faeldon Jr matapos ibasura ng piskal ang isinampang kaso laban sa kaniya.

Magugunitang sinampahan ng pulisya ang batang Faeldon ng kasong visitor of a drug den salig sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Batay sa naging resolusyon ng Naga City Prosecutor’s Office, hindi sumapat ang mga ebidensya na magdiriin kay Faeldon Jr na sa isang drug den nga ito naaresto.

Magugunitang bago sampahan ng kaso, nagnegatibo sa isinagawang drug test ang batang Faeldon matapos maaresto sa bahay ng kaniyang kasintahan sa Naga City.