Kaso laban kay alyas Bikoy ikinakasa na

0
42

Nakatakdang makipagpulong ang grupong Magdalo sa kampo ng Otso Diretso para talakayin kung anong mga kaso ang kanilang ihahain laban kay Peter Joemel Advincula na mas kilala sa alyas na Bikoy.

Ito’y makaraang kumambiyo si Advincula sa lahat ng kaniyang mga naging pagbubunyag laban sa unang pamilya na nagdiriin sa kanila sa umano’y kalakalan ng iligal na droga.

Ayon kay Magdalo Rep. Gary Alejano, nagpapakalat lamang ng kasinungalingan si Bikoy at mariin nitong itinanggi ang panibagong alegasyon nito laban sa kaniya.

Una rito, idinawit ni Advincula sina Senador Antonio Trillanes IV at Alejano na siyang nasa likod umano ng kontrobersyal na video sa social media na “Ang Totoong Narco List” na naglalayong iangat ang kandidatura ng oposisyon sa Senado.

Kinuwestyon din ni Alejano ang kredibilidad ni Bikoy at tinawag pa niya itong sinungaling dahil sa aniya’y mga gawa gawang paratang na hindi naman kailanman tatayo sa korte.

——