Joint investigation tututok lang sa isyu ng pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga Pinoy — DOJ

0
49

Aminado ang Department of Justice na posibleng hindi talakayin sa joint investigation kung bakit at ano ang ginagawa ng Chinese vessel sa Recto Bank na bahagi ng EEZ o Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hiwalay na isyu ang poaching o illegal na pangingisda kayat hindi ito dapat isama sa joint investigation ng Pilipinas at China.

Tututok lamang anya ang joint investigation sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino.

Mahalaga anyang busisiin ay kung bakit inabandona ng mga tripulante ng Chinese vessel ang 22 mangingisdang Pilipino.

Binigyang diin ni Guevarra na nais nilang malaman kung mayroon bang rason ang mga tripulante ng Chinese vessel kaya’t hindi nila tinulungan ang mga Pinoy.

Matatandaan na mga mangingisdang Vietnamese ang nagligtas sa mga pilipinong mangingisda na sakay ng binanggang bangka.