Isinagawang autopsy ng PAO kay Christine Silawan nilinaw na limitado lang

0
74

Limited autopsy examination lamang ang ginawa ng medico legal team ng Public Attorney’s Office (PAO) sa labi ng 16-anyos na si Christine Silawan sa Lapu-Lapu City sa Cebu.

Nangangahulugan ito ayon kay Dr. Erwin Erfe, pinuno ng medico legal team ng PAO na tanging ang mukha, ulo at genital area lamang ng katawan ng dalaga ang kanilang isinailalim sa autopsy.

Ipinabatid sa DWIZ ni Erfe na lumalabas sa kanilang autopsy na puwersahang ginahasa si Silawan.

“Essentially po sa genital area, nakakita po kami ng mga abrasion marami po ito, nakakita rin po kami ng hematoma sa loob ng kanyang genital area, so ang conclusion po namin doon ay Christine was forcibly raped.” Ani Erfe

Sinabi pa ni Erfe na matinding puwersa ang ginamit para patayin ang dalaga na mahigpit nang sinakal ay maaaring binuhusan pa ng asido direkta sa mukha.

Lumalabas aniya sa pagsusuri nila na dalawang beses na binuhusan ng asido sa mukha si Silawan kaya’t ang gilagid, mata at maging ang mga natirang muscle sa noo nito ay sunog na sunog at ginawa ang pagbuhos ng asido matapos na patayin ang dalaga.

“May ligature mark kaming nakita sa kanyang kamay at leeg indicating na maaaring itinali ang kamay at may lubid na ipinulupot ng dalawang beses sa kanyang leeg, may finding din po kami na siya’y sinakal ng isang tao, ‘yung sa mukha po masyadong malinis kitang kita ang mga buto sa mukha, nakakita kami ng indikasyon na mukhang ito ay binuhusan ng substance na maaring asido ito.” Pahayag ni Erfe

(Ratsada Balita Interview)