Isang babae patay matapos umano’y sumailalim sa liposuction

0
52

Isang babae umano ang nasawi dahil sa kumplikasyon matapos sumailalim sa liposuction sa isang clinic sa Paseo De Magallanes, Makati City.

Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si Nory Bobadilla, 43 taong gulang.

Kasunod na rin ito ng isinampang reklamo ng mga kaanak ni Bobadilla sa Makati Police Station laban sa dalawang doktor ng Contours Advanced Face and Body Sculpting Institute na sina Dr. Claudine Roura at anesthesiologist na si Dr. Katrina Bulseco.

Ayon kay Atty. Roel Pulido, abogado ng Sculpting Clinic, iligal na inaresto ang kaniyang mga kliyente noong July 5 subalit pinalaya rin kaagad.

Hindi na muna aniya sila magko komento hanggat hindi pa opisyal na naisasampa ang reklamo.

Batay sa report ng Makati City Police, si Bobadilla na residente ng Binalbagan, Negros Occidental ay sumalang sa liposuction sa Contours Clinic noong July 3 subalit isinugod sa Paranaque Doctors Hospital dahil sa umano’y kumplikasyon habang ginagawa ang procedure.

Na comatose si Bobadilla at na confine sa intensive care unit ng ospital hanggang masawi noong July 6.

Naghihintay pa ang mga otoridad ng resulta ng autopsy sa labi ni Bobadilla bago isampa ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide laban sa dalawang doktor na kinausap na ng pamilya ng biktima at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon sa insidente.