Iriga: Water Quality sa Lawa ng Buhi, Sinuri; Mababang Dissolved Oxygen, Naitala

0
7

Bilang tugon sa naiulat na fishkill sa Lawa ng Buhi noong Agosto 8, 2026, nagsagawa ng validation at pagsusuri sa kalidad ng tubig ang BFAR 5-FPSSD Fisheries Integrated Laboratory Section noong Lunes, Agosto 10, upang matukoy ang posibleng sanhi ng pagkamatay ng mga isda at masuri ang lawak ng epekto nito.

Batay sa ulat, unang namataan ang fishkill sa mga lugar ng Ipil at Sta. Cruz noong Agosto 8, habang iniulat naman na apektado ang Salvacion noong Agosto 9. Ayon sa Buhi Lake Development Office, 14 cage operators ang naiulat na apektado.

Isinagawa ang pagsusuri sa walong lugar sa Lake Buhi: Sta. Elena, Center of the Lake, Iraya, Tambo, Salvacion, NIA Area, Sta. Cruz, at Ipil, kasama rito ang tatlong lugar kung saan naiulat ang fishkill.

Ang lalim ng tubig sa mga lugar na isinailalim sa pagsusuri ay mula 8.6 hanggang 14.4 metro. Karamihan sa mga fish cage sa Lawa ng Buhi ay may sukat na 10 metro × 10 metro × 5 metro. Ang mga cage ay nakalagay mula sa malapit sa ibabaw ng tubig hanggang sa lalim na humigit-kumulang 5 metro. Dahil dito, ang mga tilapia sa cage ay pangunahing nakadepende sa tubig na nasa ibabaw at gitnang bahagi ng lawa.

Ang resulta ng sampling noong Agosto 10 ay nagpapakita ng mga palatandaan na maaaring nagkaroon ng paghahalo ng tubig sa lawa. Bumaba rin ang dissolved oxygen sa ibabaw at gitnang bahagi, kung saan matatagpuan ang mga fish cage. Kapag mababa ang oxygen, maaaring mahirapan ang tilapia na huminga at maaari itong magdulot ng stress sa isda.

Karaniwan, mas mataas ang dissolved oxygen (DO) sa ibabaw ng lawa habang mas mababa naman ito sa ilalim, kung saan naiipon ang mga nabubulok na materyal. Kapag malakas ang hangin at ulan, maaaring maghalo ang tubig mula sa ibabaw at ilalim, na posibleng magdala ng mababang-oxygen na tubig at makapagpagalaw ng mga nabubulok na materyal mula sa ilalim patungo sa mga lugar na malapit sa fish cage.

Maaaring nakaapekto ang malalakas na hangin at pag-ulan nitong mga nakaraang linggo sa paghahalo ng tubig sa lawa. Gayunpaman, ang mga resulta ng kasalukuyang sampling ay hindi pa sapat upang patunayang ang paghahalo ng tubig ang direktang sanhi ng fishkill. Kailangan pa ng karagdagang monitoring upang makumpirma ito.

Rekomendasyon

Pinapayuhan ang publiko na tiyaking sariwa at malinis ang mga tilapia bago ito kainin.

Hakutin at ilibing ang mga patay na isda upang hindi na ito magdulot ng lalo pang pagbaba ng kalidad ng tubig sa naturang lawa

Iwasan na muna ang pagpapakain sa mga isda.

Magsagawa ng agarang pag-ani o emergency harvest upang maisalba ang mga hindi pa apektadong isda.

Hinihikayat din silang iulat sa LDO ng Buhi ang mga pinsala at pagkalugi upang maisama sa kabuuang tala at ulat.

Inirerekomenda ang patuloy na pagsubaybay sa dissolved oxygen at temperatura sa iba’t ibang lalim ng tubig, lalo na sa paligid ng 5-meter depth kung saan umaabot ang mga fish cage.

Dapat ding bigyang-pansin ang Sta. Cruz, Ipil, at Salvacion, dahil dito naiulat ang fishkill.

Inirerekomenda rin ang pagmamasid kung may nabubulok na materyal sa ilalim ng lawa na nagagalaw o napupunta malapit sa mga fish cage.

Ang regular na monitoring ay makatutulong upang malaman kung ang kasalukuyang kondisyon ng tubig ay patuloy na nagpapababa ng oxygen, nagdudulot ng stress sa tilapia, at posibleng nakadaragdag sa pagkamatay ng mga isda.

*Sa ngayon, patuloy pa ring inaalam ng ahensya, katuwang ang LDO, ang kabuuang pinsalang dulot ng insidente.

Source: BFAR Bicol

Leave a Reply