Sa patuloy na pagsusulong ng kampanyang “Palay, Bigas, Kanin— huwag sayangin,” makulay at matagumpay na ginanap ngayong araw ang National Rice Awareness Month (NRAM) Grand Kick-Off Activity sa pangunguna ng Department of Agriculture Bicol (DA-Bicol) Rice Program. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at Agricultural Training Institute (ATI) Bicol. Layunin ng selebrasyon na palakasin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng bigas at ang tungkuling makiisa sa mas responsableng pagkonsumo nito.
Nakaangkla ang pagdiriwang sa pambansang temang “Be RICEponsible”, na nagbibigay diin sa mas malusog, matipid, at responsableng paraan ng pagkain ng bigas; ang pagpili ng lokal na produkto; at ang pag-iwas sa pag-aaksaya ng mga ito.
Tampok sa programa ang 11 exhibitors na nagdala at nagbenta ng kani-kanilang lokal na produkto partikular na ang mga rice-based delicacies at processed rice commodities.
Naging pangunahing bahagi ng selebrasyon ang Be RICEponsible Pledge o Panatang Makapalay, kung saan sabay-sabay na nangako ang mga kalahok na magiging responsable sa kanilang konsumo ng bigas; susuporta sa lokal na produksyon; at pahahalagahan ang bawat butil ng bigas mula sa bukid hanggang hapag. Pinangunahan ito nina Miss Bicolandia 2025, Iris Oresca at content creator, Audrey Alexandra Villa.
Source: Department of Agricultre- Bicol
