Batay sa ulat ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (SPDRRMC), tinatayang aabot sa mahigit walong daang milyong (800M) piso ang kabuuang danyos ng pinsalang natamo ng lalawigan ng Sorsogon matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine. Kaya naman, base na rin sa Post Damage and Needs Analysis ng SPDRRMC, hiniling ni Governor Boboy Hamor sa Sangguniang Panlalawigan ang special session ngayong hapon upang ipasa ang resolusyon para sa deklarasyon ng “State Of Calamity” sa probinsya.
Matatandaang base sa Executive Order 35-2024 na naunang ipinalabas ni Governor Hamor, ipinaubaya nito sa mga Local Government Unit ang pagdedeklara ng State of Calamity gayunman, sa ginawang emergency meeting, ipinaliwanag ng gobernador na dahil sa ngayon ay hawak na ng konseho ang pinal na report ng damages na natamo partikular sa agrikultura at imprastraktura mula sa lahat ng LGU, ngayon ito nag-endorso ng paghiling ng deklarasyon ng State of Calamity.
Dagdag pa ni Governor Hamor, bagama’t magiging opisyal na ang deklarasyon ng State Of Calamity sa oras na ipalabas ang resolusyon ng SP, handa aniya ang probinsya sa pagtugon sa mga Sorsoganon at hinihiling na lamang nito na magtulong-tulong ang bawat isa upang malagpasan ang hamon ng panahon. Ito rin aniya ay para mabilis na matulungan ang mga Sorsoganong higit na naapektuhan, gayundin ay mas mapabilis ang paggamit sa calamity fund ng bawat LGU.
(Source: Sorsogon PIO)
