Iriga: Sorsogon Province Baseball Secondary Team selyado ang ginto; aarangkada sa Palarong Pambansa

    0
    6

    Sa ilalim ng matitinding hiyawan at mainit na sikat ng araw, nanaig ang bagsik ng Sorsogon Province Baseball Secondary Team sa Baseball matapos nilang makuha ang kampeonato laban sa determinadong koponan ng Sorsogon City sa score na 7-6, 12-3, sa ginaganap na Palarong Bicol 2026 ngayong araw sa Mayon Rivera Open Fields.

    Sa championship game, naging dikit ang bakbakan kaya nakapagtala ng score na 7-6 ang Sorsogon City sa loob ng pitong inning.

    Dahil twice-to-beat ang Sorsogon Province, nagkaroon ang dalawang koponan ng playoff na binubuo ng limang inning. Dito sinelyuhan ng Sorsogon Province sa score na 12-3 ang kapalaran ng team na pumabor sa kanila.

    Ayon sa Head Coach ng Sorsogon Province Baseball Secondary Team na si Edward Eupeña, nakita niya na makakamit nila ang tagumpay sa pagtapat ng 3rd inning sa playoff na lumabas ang mga palo ng mga player niya. Pinag-aralan din nila ang pitch ng kalaban, na isa sa mga estratehiya nila para manalo.

    “Lalo pa naming pag-iigihan sa Palarong Pambansa na umangat ang rank ng Bicol Region,” saad ni Coach Edward na malaki ang pasasalamat sa team.

    Kinuwento naman ng pitcher ng Sorsogon Province na si Marc Joseph Fulgar, Grade 12 student ng Sta. Magdalena National High School, na nagbunga ang kanilang mga sakripisyo at paghihirap sa training simula elementarya. Ito ang kaniyang kauna-unahang pagkakataon na makasungkit ng ginto papuntang Palarong Pambansa.

    Malaki ang pasasalamat ni Fulgar sa kaniyang mga coach, sa mga sumusuporta sa kaniya, lalo-lalong na sa kaniyang yumaong ina na siyang nagtiwala at sumuporta sa kaniya.

    Sa kabilang banda, nasungkit naman ng Sorsogon City ang Silver Medal at nakuha ng Catanduanes ang Bronze Medal.

    Source: DEPED Bicol

    Leave a Reply