Hinihikayat ng Department of Health Bicol ang mga Bicolano na magpabakuna laban sa covid-19 laluna ang mga senior citizen na siyang may pinakamababang coverage ng mga bakunado sa rehiyon. Ito’y sa gitna ng tumataas na bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng covid sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Ernie Vera, DOH Bicol Regional Director, “Gusto kong ipaabot sa kanila na suportado sila ng DOH kung meron man silang nararamdaman, bukas loob silang tatanggapin ng malapit na pampublikong ospital, and we also have vaccines, meron tayong supplies especially for all.”
Nasa 5,040,943 ang target population ng DOH Bicol pero anila, 75.76% pa lamang ang kanilang coverage rate na nasa 3,819,232 habang 69.16% naman ang coverage rate para sa mga fully vaccinated.
Ang lalawigan ng Catanduanes ang nangunguna sa Covid-19 vaccination coverage rate na may 91.66% o 204,850 katao na nabakunahan. Ang lalawigan naman ng Masbate ang may pinakamababang porsyento ng coverage rate na 67.24% o 516,561 inidibidwal.
Catanduanes rin ang nangunguna sa mga fully-vaccinated na mayroong 197,509 indibidwal o 88.38% coverage rate habang pinakamababa pa rin ang Masbate na mayroong 390,178 o 56.86% coverage rate.
(Source: DOH Bicol)
