Nasakote ng pulisya ng Bicol ang Rank 8 Provincial Most Wanted Person ng lalawigan ng Camarines Sur sa isang operasyon nitong Disyembre 18, 2025.
Bandang alas-3:00 ng hapon nang matagumpay na maisilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa akusado na kinilalang si alyas “Tope,” 41 taong gulang, may asawa, at residente ng Lungsod ng Iriga, Camarines Sur.
Ang operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan ng Iriga City Police Station bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP Bicol laban sa mga wanted na personalidad. Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant na inisyu ng korte kaugnay ng dalawang (2) bilang ng kasong Acts of Lasciviousness.
Ang kasong kinakaharap ng akusado ay may nakatakdang piyansa na nagkakahalaga ng Php 320,000.00. Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa batas bago ito dinala sa himpilan ng pulisya.
Sa kasalukuyan, ang naarestong akusado ay nasa kustodiya ng Iriga CPS para sa wastong dokumentasyon, disposisyon, at karagdagang proseso ng batas bago ang kanyang paglilipat sa kaukulang pasilidad ng korte.
Patuloy namang tiniyak ng PNP Bicol sa pamumuno ni PBGEN EROSITO N MIRANDA, ARD, ang pangako na paigtingin ang mga operasyon laban sa mga wanted na indibidwal upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
