Iriga: PRO 5, Nananatiling handa sa posibleng epekto ng Super Typhoon “Inday”

0
2

Bagama’t hindi inaasahang tatama nang direkta sa kalupaan ng Pilipinas ang Super Typhoon “Inday,” nananatiling mataas ang kahandaan ng Police Regional Office 5 (PRO 5) laban sa posibleng epekto nito, kabilang ang malalakas na pag-ulan, pagbaha, at iba pang panganib na maaaring idulot ng sama ng panahon.

Ngayong araw, Hulyo 8, 2026, isinagawa ng PRO 5 ang Showdown Inspection sa lahat ng Disaster Response Equipment gayundin ang accounting ng mga tauhan ng PRO 5 KASUROG Disaster Emergency Assistance Response (D.E.A.R.) upang matiyak ang kahandaan, kakayahan, at mabilis na pagtugon ng yunit sa anumang insidenteng maaaring mangyari.

Sa isinagawang inspeksyon, sinuri ang kahandaan at operational capability ng mga kagamitan at personnel na gagamitin sa panahon ng emergency response operations, kabilang ang mga pangunahing gamit para sa search and rescue, disaster assistance, at iba pang kinakailangang serbisyo para sa mga komunidad na maaaring maapektuhan.

Ang naturang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng PRO 5 na maging proactive sa halip na reaktibo sa pagtugon sa mga kalamidad. Layunin nitong matiyak na ang bawat tauhan at kagamitan ay nasa pinakamataas na antas ng kahandaan upang agarang makaresponde at makapagbigay ng kinakailangang tulong sa publiko.

Ang hakbang na ito ay isinagawa alinsunod sa direktiba ni PBGEN Erosito N Miranda, Regional Director, PRO 5, na palakasin ang disaster preparedness measures ng yunit at tiyaking ang kapakanan at kaligtasan ng mamamayan ang mananatiling pangunahing prayoridad.

Patuloy na paiigtingin ng PRO 5 ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensya at lokal na pamahalaan upang matiyak ang maagap, organisado, at episyenteng pagtugon sa anumang banta ng kalamidad, alinsunod sa hangarin nitong maihatid ang serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.

Source: PNP Kasurog Bicol

Leave a Reply