Iriga: PR0 5, mabilis na rumesponde matapos ang pagbuga ng Uson sa Bulkang Mayon

    0
    1

     

    LEGAZPI CITY – Agad na nagpakalat ng puwersa ang Police Regional Office 5 (PRO 5) upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng publiko matapos makapagtala ng pyroclastic density current o “uson” sa Bulkang Mayon bandang alas-5:38 ng hapon.

    Sa ilalim ng operasyong ito, mahigpit na ipinatutupad ng kapulisan ang traffic management sa mga pangunahing kalsada upang mapanatili ang maayos na daloy ng mga sasakyan. Naglatag din ng mga checkpoint at pinaigting ang police visibility sa mga kritikal na lugar upang matiyak na walang sibilyan ang papasok sa itinakdang danger zone.

    Bukod sa seguridad, katuwang din ang PNP sa pamamahagi ng face masks at pagbibigay ng babala sa mga residente laban sa panganib ng ashfall. Aktibo ring nakikipag-ugnayan ang PRO 5 sa mga lokal na pamahalaan (LGUs), Office of Civil Defense (OCD), at MDRRMO para sa mas mabilis na koordinasyon sa evacuation at relief operations sa mga apektadong pamilya.

    Kasabay nito, na-activate na rin ang KASUROG Disaster Emergency Assistance Response (D.E.A.R.) Team upang mapalakas ang kapasidad ng kapulisan sa pagsasagawa ng rescue at humanitarian assistance.

    Sa kasalukuyan, nananatiling nakatutok ang PNP sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, at lungsod ng Ligao. Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga direktiba habang nananatiling aktibo ang aktibidad ng bulkan.

    Source: PNP Region V

    Leave a Reply