Iriga: PNP Bicol, magde-deploy ng 5,915 Tauhan para sa Ligtas at Payapang Kapaskuhan

0
8

Alinsunod sa direktiba ng pambansang pamunuan ng Philippine National Police, ang Police Regional Office 5 sa pamumuno ni PBGEN Erosito N Miranda, Acting Regional Director, ay magsasagawa ng malawakang deployment ng kabuuang 5,915 tauhan upang tiyakin ang kaayusan, kaligtasan, at kapayapaan sa buong rehiyon ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Isasagawa ang deployment sa ilalim ng programang β€œLigtas Paskuhan,” na layong palakasin ang police visibility at maagap na pagtugon sa anumang banta sa seguridad, partikular sa mga lugar na dinaragsa ng publiko tulad ng mga simbahan, pamilihan, transport terminals, pangunahing lansangan, at iba pang mataong lugar.

Sa kabuuang bilang ng mga ide-deploy, 4,501 tauhan ang magmumula sa PNP Bicol, habang 506 naman ang augmented forces mula sa Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard. Dagdag pa rito, 908 personnel mula sa iba’t ibang auxiliary group ang makikibahagi bilang bahagi ng whole-of-government at whole-of-community approach sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Ayon kay PBGEN Miranda, patuloy na nananatiling handa ang PNP Bicol na magsilbi at magbantay upang masiguro na ang bawat Bicolano ay makapagdiriwang ng Pasko nang ligtas at walang pangamba. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko sa mga kapulisan at iba pang ahensya ng pamahalaan upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad.

Kasabay nito, muling pinaaalalahanan ng PNP Bicol ang publiko na manatiling mapagmatyag at responsable, at agarang ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang gawain upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad. Pinapayuhan ang mamamayan na maging maingat sa paglabas ng bahay, tiyaking ligtas ang kanilang tahanan bago umalis, iwasan ang pagdadala ng malaking halaga ng salapi at mahahalagang gamit, at manatiling alerto lalo na sa mga mataong lugar gaya ng pamilihan, terminal, at lugar ng pagsamba.

Tiniyak ng PNP Bicol ang tuluy-tuloy at mas pinaigting na pagbabantay at pagbibigay ng serbisyo sa buong panahon ng Kapaskuhan bilang bahagi ng panata nitong β€œBagong PNP para sa Bagong Pilipinas,” na nagtataguyod ng serbisyong mabilis, tapat, at tunay na nararamdaman ng mamamayan, upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat Bicolano sa makabuluhang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Source: PNP Kasurog Bicol

Leave a Reply