Naghahanda na ngayon ang lalawigan ng Sorsogon upang tumulong sa muling pagbangon ng Catanduanes matapos hagupitin ng Super Typhoon Pepito nitong nakaraang Sabado.
Ayon Kay Sorsogon Governor Edwin “Boboy” Hamor, tulad ng nakagawiang pagtulong ng lalawigan sa mga kalapit-probinsya nito tulad ng Albay at Camarines Sur na labis ding nasalanta ng nagdaang bagyong Kristine nitong Oktubre, handa ang Sorsogon na magpadala din ng kaukulang tulong sa Catanduanes.
Subalit sa halip, aniya, na mga heavy equipment at power tools ang ipadala ay mga construction materials, mga pagkain at tulong-medikal ang ibibigay ng lalawigan.
Kasabay nito ay magpapadala rin ng 5 dump trucks, mobile clinic and generator set, at iba pa para sa mabilisang operasyon.
Bukas din aniya ang provincial government sa sinumang nais magbigay ng kanilang mga personal na tulong sa Catanduanes.
Matatandang bago pa man humagupit ang bagyong Pepito sa Catanduanes ay nanawagan na ng tulong si Gov. Joseph Cua para sa Catanduanes dahil inaasahan nang super typhoon ang hahagupit sa kanila.
Limang araw na mamamalagi ang mga tauhang tutulong sa Catanduanes kabilang na ang mga Doctors to the Barrio upang magbigay ng tulong-medikal, mga tauhan ng Provincial Engineering Office para sa konstruksyon at mga volunteers mula sa Provincial Social Welfare and Development Office para sa pamamahagi ng food assistance.
Sa darating na Martes, Nobyembre 19, tutulak ang Team Sorsogon na maghahatid ng mahahalagang tulong na ito sa mga nasalanta sa Catanduanes.
Ang tulong mula sa mga Sorsoganon ay pangungunahan ni Ginoong Art Balmadrid, ang Human Resource Management Officer (HRMO) ng Sorsogon, na tubong Catanduanes.
(Source: PIA Bicol Region)
