Iriga: Panukalang FAO sa Sardinas, Tinalakay sa Stakeholders Consultation sa Masbate

0
3

Nagsagawa ng dalawang araw na stakeholders consultation ang BFAR 5 sa pamamagitan ng Fisheries Management and Regulatory Enforcement Division (FMRED), kaugnay ng panukalang Fisheries Administrative Order (FAO) para sa closed season ng sardinas sa Fisheries Management Area (FMA) 7.

Layunin nitong ipaliwanag ang polisiya at makuha ang pananaw ng mga stakeholder para sa maayos na implementasyon.

Ang unang araw ay ginanap sa Masbate City, noong Pebrero 11, 2026. Binigyang-diin sa pagpupulong ang panukalang FAO, kabilang ang saklaw, panahon ng implementasyon, at mga responsibilidad ng bawat stakeholder. Sa talakayan, nagbahagi ng mga katanungan, alalahanin, at suhestiyon ang mga kalahok, na maingat na naitala para sa mas maiging pagpaplano at implementasyon ng ahensya sa nasabing polisiya.

Kabilang sa mga kalahok ang mga kinatawan mula Provincial Fisheries Office, Provincial Government of Masbate, mga sardine fisherfolk, AT Fisheries, Municipal/City Agriculturists, MFARMC, at mga samahan ng mangingisda mula sa mga LGUs ng Masbate, kabilang ang Mobo, Uson, Dimasalang, Baleno, at Masbate City, na sakop ng FMA 7.

Samantala, ang ikalawang araw ng konsultasyon ay ginanap noong Pebrero 13, 2026 sa San Fernando, Masbate na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office (MAO), MFARMC, at mga samahan ng mangingisda mula sa mga LGU ng Ticao municipalities, kabilang ang San Jacinto, San Fernando, Batuan, at Monreal.

Sa kabuuan, ang konsultasyon ay isang mahalagang hakbang upang matiyak ang suporta ng mga stakeholder, mapangalagaan ang kapakanan ng mga munisipal na mangingisda, at maisulong ang wastong konserbasyon ng sardinas sa FMA 7.

Source: BFAR Bicol

Leave a Reply