(Legazpi City, June 23, 2025) Pinag-iigting ngayon ng Albay Electric Cooperative Inc. (ALECO) ang kampanya para masawata ang ilegal na koneksyon ng kuryente sa lalawigan.
Isa sa mga hakbang na isinasagawa ng kooperatiba ay ang Massive Apprehension Activity na layuning mapigilan ang paglobo ng bilang ng mga kabahayan na may illegal electricity connection.
Ayon kay ALECO TSD Manager Engr. Mark Jessan Lucilo, umabot na sa 1,424 households ang kanilang nahuhuling sangkot sa naturang ilegal na gawain sa pamamagitan ng kanilang mga ikinakasang operasyon katuwang ang hanay ng Philippine National Police Regional Office 5 (PNP RO5).
Sa naturang bilang, 380 ang nahuli noong 2023, 669 taong 2024, at nasa 375 naman ngayong 2025.
Ani Lucilo, sa kasalukuyan ay mayroong 22 kaso na ang nai-file dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.
Mula sa naturang bilang, mayroong limang (5) violators ang sumasailalim sa masusing imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos makahanap ng sapat na ebidensya ng paglabag.
Nasa 22 kaso naman ang kasalukuyang iniimbestigahan pa ng NBI.
Kasunod nito, hinihikayat ng naturang kooperatiba ang publiko na ipagbigay-alam sa kanilang opisina ang anumang insidente ng ilegal na koneksyon ng kuryente, at nangakong gagawan ito ng nararapat na aksyon.
Source: Albay PIO
