Iriga: Mga natatanging ani ng mga magsasakang Bikolano, ibinida sa PINAKA Contest ng DA Bicol

    0
    0

    Naging mas makulay at masaya ang pagbubukas ng Farmers’ Festival sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda matapos matagumpay na isagawa ng DA Bicol ang “PINAKA” Contest for Farmers 2026. Ang aktibidad ay naganap sa DA RFO 5 Covered Court nitong ika-11 na Mayo, bilang pagkilala at pagpupugay sa sipag, husay, at dedikasyon ng mga magsasakang Bikolano.

    Tampok sa patimpalak ang paghahanap ng pinakamabigat, pinakamalaki, at pinakamahabang ani mula sa iba’t ibang gulay at root crops na inani ng mga rehistradong magsasaka sa Bicol Region sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

    Ito ay dinaluhan ng kabuuang 25 magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon na nagpakitang-gilas sa kanilang mga natatanging ani.

    Sa ilalim ng kategoryang “Pinaka Mabigat”, nanalo ng unang puwesto sina Junathan Solsona ng Iriga City para sa kanyang letsugas; Charlyn Albar ng Pili, Camarines Sur para sa pechay; Anastacio R. Dacuya ng Casuray, Magarao para sa pakwan; at Beverly Purisima ng Tigaon, Camarines Sur para sa kalabasa.

    Sa “Pinaka Malaki” category naman, nagwagi sina Marina B. Mirando ng Pili, Camarines Sur para sa pili commodity; Beatriz A. Lagdaa ng Sagrada, Iriga City para sa kamote; at Marichu U. Banila ng Sagrada, Iriga City para sa ube.

    Samantala, sa “Pinaka Mahaba” category, nasungkit nina Noel San Felipe ng Sto. Niño, Pili, Camarines Sur para sa upo; Haide V. Cordenete ng Binanuanan, Pili, Camarines Sur para sa pipino; Rebecca S. Purisima ng Tigaon, Camarines Sur para sa patola; Arnold Llanza ng Sto. Niño, Pili, Camarines Sur para sa sitaw; at Beverly N. Niem ng San Pedro, Lupi, Camarines Sur para sa talong ang unang puwesto.

    Masayang umuwi ang mga kalahok bitbit ang kapaki-pakinabang na mga premyo tulad ng knapsack sprayer, garden tools set, pruning saw, plastic crates, water plastic drum, at assorted vegetable seeds na maaari nilang magamit sa pagpapaunlad at pagpapagaan ng kanilang gawaing pang-agrikultura.

    Ang mga ibinidang produkto ay patunay ng pagsusumikap, determinasyon, at tiyak na ani ng mga magsasakang Bikolano, para sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura sa rehiyon, sa kabila ng mga hamon at krisis ng panahon.

    Source: Department of Agriculture- Bicol

    Leave a Reply