Bukas palad na tinanggap ng 49th Infantry (GOOD SAMARITANS) Battalion ang pormal na pagbalik-loob at boluntaryong pagsuko ng siyam (9) na regular na miyembro ng Communist NPA Terrorist (CNT) at pagtiwalag at pagbawi ng suporta ng labindalawang (12) miyembro ng Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) sa isinagawang “Presentation of Former Rebels and Turn Over Ceremony” sa Barangay Tastas, Ligao City, Albay, nitong Abril 5.
Sa nasabing seremonya, kasabay na isinuko ang mga baril kabilang na ang isang (1) M1 Garand rifle, isang (1) M2 Carbine rifle, isang (1) .45 pistol, at dalawang (2) .38 revolver pistol.
Personal na hinarap ni Lieutenant Colonel Benjamin Tapnio, Battalion Commander ng 49IB ang 21 na mga dagdag sa dumaraming bilang ng mga sumusuko at tumitiwalag sa kilusan at partido na mga biktima ng Communist Terrorist Group (CTG) sa nasabing probinsya.
“Ikinagagalak po ng mga tropa ng GOOD SAMARITANS at ng mga mamamayan ng Albay ang inyong pagsuko at pagbabalik-loob, maging daan sana ito upang mas mahikayat pa natin ang inyong mga dating kasamahan, na tulad niyo ay sumuko na rin lang, at magbitiw na ng suporta sa CTG, bigyan din natin sila ng pag-asa at dalhin sa mas tuwid na daan tungo sa kapayapaan”, ani Lt. Col. Tapnio.
Malugod naman na tinanggap ni Colonel Edmundo G. Peralta, Brigade Commander ng 902nd Infantry (FIGHT AND SERVE) Brigade, ang nasabing mga dating miyembro at taga-suporta ng CTG na kaniyang pinasalamatan sa gitna ng programa.
“Malaking bagay, hindi lang sa amin, kundi sa mga pamilya ninyo ang pagbabalik ninyo sa puder ng gobyerno, isa itong napakalaking senyales na marami na ang naliliwanagan sa mga maling adhikain ng kalaban. Malaking tagumpay ito sa amin, sainyo, at sa ating mga kababayan. Sa inyong pagsuko at pagbabalik-loob ay maraming buhay ang naisasalba at maisasalba pa”, ani Col. Peralta.
Samantala, ayon kay Police Brigadier General Jonnel Estomo, Police Director ng PRO5, patuloy rin ang kanilang paghikayat sa mga natitira pang mga aktibong miyembro ng CNT at mga taga suporta nito sa probinsya na magbalik loob na at magpasaklaw nang muli sa batas ng ating bansa.
“Hanggat may mga natitira pa tayong mga kapatid na biktima pa rin ng mga maling ideolohiya ng kalaban ay hindi hihinto ang tropa ng gobyerno na sila’y hikayatin. Patuloy po kami sa aming misyon na makapagsalba pa ng mas maraming buhay”, ani PBGen. Estomo.
Binigyang diin naman ni Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at Joint Task Force (JTF) Bicolandia, ang kahalagahan ng pagsuko at pagbitaw ng suporta ng mga dating miyembro ng CNT.
“Ang inyong pagsuko at pagbibitaw ng suporta ay isang repleksyon na mas abot kamay na natin ang tunay na kapayapaan hindi lamang dito sa Albay kundi maging sa buong Bicolandia. Ipinapakita lamang nito na epektibo ang lahat ng ating mga paghikayat at mga programang sibil lalo na sa ating mga kapatid na naligaw ng landas”, ani Maj. Gen. Luna
Kaugnay nito, tiniyak ni Maj. Gen. Luna ang mga benepisyong matatanggap ng mga sumukong miyembro ng CTG na magbibigay sa kanila ng bagong pag-asa maging sa kanilang mga pamilya. Ito ay sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).
Matatandaan, nitong Enero 20 lamang ay nagkaroon din ng pormal na seremonya ang 49IB para sa 21 biktima ng CTG na kinabibilangan ng anim (6) na dating mga miyembro ng SPL, pag suko ng limang (5) dating miyembro ng Militiang Bayan (MB), at ng sampung (10) dating mga regular na miyembro ng CTG, na patuloy pang dumarami sa pag-usad ng taon dahil sa mga matatagumpay na operasyong militar at sibil ng mga kasundaluhan at kapulisan.
(Source: 9th Infantry Spear Division, Philippine Army)