Isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ang serye ng pagsasanay sa seaweed value-adding sa mga kababaihan at seaweed farmer associations mula Marso 3–6 at Marso 10–11, 2026 sa Masbate at Camarines Norte.
Ang aktibidad ay bahagi ng distribusyon ng Seaweed Cart Project, isang proyektong ipinapatupad sa ilalim ng BFAR – Enhanced Philippine Seaweed Development Program (EPSDP), na layong suportahan ang post-harvest production ng seaweed at dagdagan ang kita ng mga mangingisda.
Dinaluhan ang pagsasanay ng mga kasapi ng Nagurang, Jamorawon, at Nabejo Fisherfolk Associations sa Milagros, Masbate; Naro Fisherfolk Association sa Cawayan, Masbate; at Samahan ng Mangingisda ng Ulipanan sa Camarines Norte.
Katuwang ang BFAR-National Seaweed Technology Development Center, nagkaroon ng hands-on demo ng pagproseso ng iba’t ibang seaweed-based value-added products, kabilang ang Seaweed Puto, Seaweed Cracknels, Seaweed Cookies, Seaweed Pickles, Seaweed Soap, at Seaweed Pansit kung saan aktibong lumahok ang mga kababaihan at mga myembro ng mga nasabing asosasyon.
Kasama rin sa proyekto ang pamamahagi ng mga kagamitan tulad ng Seaweed Cart, post-harvest equipment, stainless working at drying table. Ang capacity-building training ay bahagi ng preparasyon bago ipagkaloob ang Seaweed Cart sa mga kwalipikadong asosasyon.
Layunin ng proyekto na palakasin ang kakayahan ng mga mangingisda sa pagproseso ng seaweed, makalikha ng produktong may dagdag na halaga, at mapataas ang kita at kabuhayan ng mga asosasyon sa rehiyon.
Source: BFAR Bicol
