Isinagawa ngayong hapon, December 22, 2025 sa Governor’s Hall ang isang courtesy call ni Philippine National Police Regional Director V, PBGEN/ Erosito Miranda, kay Governor Boboy Hamor bilang pagpapakita ng mas pinatatag na ugnayan at malinaw na kooperasyon sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan Sorsogon at ng buong hanay ng PNP Bicol.
Sa kanyang mensahe, taos-pusong pinasalamatan ni RD Miranda si Governor Hamor sa patuloy at matibay na suporta ng kapitolyo sa kapulisan mula sa mga programang nagtataguyod ng seguridad hanggang sa mga modernisasyong tumutulong upang mas maging episyente ang operasyon ng PNP. Tiniyak din niya na mananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng disiplina sa hanay ng kapulisan at hindi kukunsintihin ang anumang paglabag sa tungkulin, alinsunod sa direktiba ng pambansang pamunuan ng PNP.
Binigyang diin pa ni RD Miranda na pangunahing mandato ng PNP Bicol ang maging nakikita, nararamdaman, at maaasahan sa lansangan, upang tiyaking nananatiling payapa at ligtas ang mga komunidad, partikular dito sa lalawigan ng Sorsogon.
Samantala, muling tiniyak ni Governor Boboy Hamor ang buong suporta ng Kapitolyo sa kapulisan sa ilalim ng programang Katrangkiluhan, na nakatuon sa pagpapanatili ng katahimikan, seguridad, at kaayusan sa buong probinsya. Bahagi nito ang kanyang pangako na magdo-donate ng 94 units na motorsiklo na ilalaan sa lahat ng Municipal Police Stations sa Sorsogon upang higit pang mapabilis ang response time, mapalakas ang mobility, at mapahusay ang presensya ng PNP sa mga bayan at barangay.
Sa patuloy na pagtutulungan ng Provincial Government at PNP Bicol, layunin ng kapitolyo na masigurong nananatiling ligtas, organisado, at mapayapa ang lalawigan ng Sorsogon, isang probinsiya na tunay na maipagmamalaki ng bawat Sorsoganon.
Source: Sorsogon PIO
