Iriga: Mahigit 300k pasyente sa Bicol, nabigyan ng asistensya ng DOH MAIFIPP ngayong 2023

0
15

Umabot sa 345,238 pasyente sa rehiyong Bicol ang natulungan ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIPP) ng Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD), mula Enero hanggang Oktubre 15, 2023.

Ito ay iniulat ng DOH Bicol CHD sa isinagawang Year-End Implementation Appraisal ng MAIFIPP, nitong Biyernes ika-10 ng Nobyembre 2023, na dinaluhan ng Chiefs of Hospital at MAIFIPP focals mula sa 81 partner hospitals.

Sa kasalukuyan, mahigit isang billion na pondo mula sa DOH ang nagamit ng iba’t ibang MAIFIPP partner hospitals sa pagpapatupad ng programa.

Sa unang pagkakataon ay nakadalo din si Dir. Girlie Veloso, ang Director ng DOH Malasakit Program Office (MPO) sa pagtitipon ng Bicol MAFIPP-implementing facilities. Kasama rin nya ang MPO Luzon Cluster Head na si Mr. Jose Luis Alegre.

“We’re looking to establish a Malasakit Program Unit in all CHDs to assist our regional offices in the implementation and monitoring of the program in all health facilities,” saad ni Dir. Veloso. (Aming pinag-aaralan ang pagkakaroon ng Malasakit Program Unit sa lahat ng CHD para makatulong sa mga opisina sa rehiyon sa pagpapatupad at pamamahala ng programa sa lahat ng health facilities.)

Dagdag pa ni Dir. Veloso, ang kanilang opisina ay nakatuon ngayon sa pagpapanukala ng mga bagong polisiya na may layong mas mapabuti pa ang proseso ng Malasakit at MAIFIP Programs.

Nagpasalamat naman si DOH Bicol CHD Regional Director Dr. Ernie V. Vera sa suporta ni Dir. Veloso at ng buong DOH MPO sa Bicol CHD. Nagbigay din siya ng kaunting pasilip sa mga kaabang-abang na hakbang na gagawin ng opisina upang lalong pagtibayin ang MAIFIPP implementation sa rehiyon sa susunod na taon.

Nagpakita din ng suporta si Albay 2nd District Representative, Hon. Joey Salceda, kung saan siniguro nya ang mas malawak at matibay na ugnayan sa pagitan ng DOH Bicol CHD at ng kanyang opisina pagdating sa usaping pangkalusugan para sa mga Albayano at lahat ng Pilipino.

Nagbalik-tanaw naman si Dr. Rosa Maria B. Rempillo, OIC-Director III at Strategic Health Assistance Management Unit (SHAMU)-MAIPP head, sa naging karanasan ng DOH Bicol CHD noong unang pagpapatupad ng medical assistance program noong 2014. Ayon kay Dr. Rempillo, higit na lumawak at mas marami nang naabot ang programa dahil sa mas pinatinding program implementation. Hinimok din nya ang MAIFIPP partner hospitals na patuloy na magbigay ng mahusay, dekalidad, at may malasakit na serbisyo sa mga pasyente.

(Source: DOH Bicol CHD)

 

Leave a Reply