(Legazpi City, June 25, 2025) Tuluyan nang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA) at ganap na ring naging bagyo.
Batay sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huli itong namataan sa layong 555 km kanluran ng Bacnotan, La Union.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 45 km/h mula sa gitna, at pagbugso na umaabot sa 55 km/h.
Patuloy naman ang pagkilos nito sa direksyong hilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Ayon kay weather specialist Obet Badrina, sakaling lumakas pa ang naturang bagyo o tropical depression (TD), maaari nitong hatakin ang habagat na patuloy pa ring umiiral sa malaking bahagi ng bansa.
Sa kasalukuyan ay wala na itong direktang epekto sa anumang bahagi ng Pilipinas.
Samantala, patuloy na magdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan ang habagat sa kanlurang bahagi ng Luzon partikular sa Palawan, Bataan, at Zambales.
Source: Albay PIO