Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay ang ordinansang institusyonalisasyon ng Business One-Stop Shop (BOSS) ng Lungsod ng Tabaco upang gawing mas mabilis, episyente, at mas maayos ang pagproseso ng mga business permit at iba pang kaugnay na serbisyo.
Ito ay matapos na irekomenda ni Committee on Trade and Commerce Chairperson 1st District Board Member Atty. Sheina Marie C. Onrubia-Dela Cruz ang pag-apruba sa City Ordinance No. 9-048, Series of 2026, na nagtatatag ng isang year-round Business One-Stop Shop bilang permanenteng mekanismo para sa streamlined, time-bound, at integrated na pagproseso ng business permits, licenses, clearances, at iba pang kaugnay na authorizations.
Sa isinagawang pagsusuri ng komite, napag-alamang naaayon ang ordinansa sa mga umiiral na batas at pambansang polisiya hinggil sa ease of doing business, transparency, accountability, at episyenteng paghahatid ng serbisyo-publiko.
Nakasaad din sa ordinansa ang paggamit ng iisang application form, time-bound processing periods, pagpapatupad ng Zero Contact Policy, at pagpapalawak ng electronic processing.
Kabilang din sa mga probisyon ang pagpapatibay ng Citizen’s Charter, compliance at feedback mechanisms, transparency measures, at pagbabawal sa hindi awtorisadong mga rekisito at transaksiyon.
Ayon pa sa komite, ang ordinansa ay alinsunod sa mga probisyon ng Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 (Republic Act No. 11032), Anti-Red Tape Act, at iba pang umiiral na batas na nag-uutos sa mga lokal na pamahalaan na pasimplehin at pabilisin ang proseso ng pagkuha ng mga permit, licenses, at iba pang serbisyo ng pamahalaan.
Inaasahang higit pang mapapahusay ng Lungsod ng Tabaco ang business permitting system na magbibigay ng mas mabilis, episyente, at transparent na serbisyo para sa mga negosyante at mamumuhunan kasunod ng nasabing approval.
Source: Albay PIO
